
Séjo Esguerra
Batch Duende/2024
Mula sa Bacoor, Cavite
Si Sejo Esguerra ay isang hamak na pilosopo at bakâ-makata. Nakapagtapos siyá ng kursong Batsilyer sa Arte (Pilosopiya) sa Pamantasang De La Salle. Associate Editor siyá ngayon sa Malate Literary Folio. Mahal niya ang Cavite, Pampanga, at Las Piñas na pagkakatamnan ng lahat ng kaniyang lunggati, pighati, at dalamhati.
Abokalipsis
Ekphrasis ng Apokalipsis: Kalayaang Dalisay ni Brenda Fajardo
Inakala nilang ang kanyang bandila’y
duguang sagisag para sa pagpatay,
Dahil mga bungo ang bumabalantay
kay Mariang itim. Anila’y sariwang
sangsang ang paglayang magpakaalila
sa tayog ng apoy na pakaway-kaway;
Pati maskarado’y may lihim na lumbay:
Malaya man, tupók ang kanilang diwa,
Ngunit gagalíng din mulâ pagkaaabo.
May paghihimaton ang pagwawasiwas
sa bandilang pula. Ubod ng dalisay
uliting may búkas sa likod ng gulo.
Gagap ni Maria’y masasal na senyas:
Walang dalang iba kundi bagong búhay.
Kanye Westina
“World set to end in five years’ time—unless, that is,
a so-called ‘Starman’ descends upon earth to save humanity
from itself.” — ayon sa Kanye West-David Bowie conspiracy
“I’m a star, how could I not shine?” — Kanye West
Naglimang-taon na. Hinulog ng langit
ang isang bituing naging táong henyo’t
tila bulalakaw na bihís sa ningning,
Kayâ’t sumíkat din ang kanyang musika
sa mga nagnais na táyo’y maligtas
sa tugtuging laos. At siya’y Mesiyas
para lang sa ilan. Maraming Mesiyas
na Hudas talaga. Malupit ang langit
nang kanyang paringgan si Bush na iligtas
siláng mga itim, mga aping henyo,
sa bagyong Katrina. Kayâ ang musika’y
may taglay na lakas, pag-asa, at ningning
laban sa sakuna. Kanyang tanging ningning
sa búhay si Donda; bigo ang Mesiyas
nang pumanaw siyá. Ang kanyang musika’y
naging tagulaylay na dinig ng langit.
Kahit anong uring pagpapakahenyo’y
ina’y di babalik. Hindi nailigtas
ni Kanye ang lahat; sarili’y di ligtás:
“Aanhin ang lahat kung wala nang ningning?”
Sa saglit na ito’y natanga ang henyo,
at pinagdudahan kung siya’y Mesiyas.
Ngunit nagpatúloy abutin ang langit
gámit ang armon’yang hatid ng musikang
himala sa madla. Ngunit ang musika’y
tila nagbabanta: di pa siyá ligtas
sa kanyang sarili. Nabásag ang langit
nang kanyang pigilan itong nagniningning
na Taylor Swift noon. Galít ang Mesiyas
kay Pete D. at Kim K.—sináyang ng henyo’t
inatake’y Hudyo! Sabi’y mga henyo
sina Hitler at Trump. Patí ang musika’y
nagdusa sa kamay ng dáting Mesiyas
na nag-asal-Hudas. Wala nang niligtas.
Kusa nang kumupas ang bihis na ningning,
Lumayo’t lumihis sa layon ng langit.
Musika man niya'y nakapagliligtas,
Papundi na’ng ningning ng talàng Mesiyas,
Itong henyo palá’y dura lang ng langit.
Tatlong Bagay na Dapat Alalahanin ukol sa Alaala
Pagkatápos ni Mary Oliver
Tandaang alaala ang sumasangkap sa daigdig, kayâ
matutong kumapit sa alaala kung nais kumapit sa daigdig.
Tandaang ito lang ang daigdig: Sambulat ng mga larawang
bumibigla minsan upang makapítan ng mata, isip, at diwà.
At kung walang makapítang alaala pagkabigla
ng daigdig, tandaang bakâ ito na mismo ang alaala: Kumapit.
