Tala Tanigue

Batch Oy / 2015
Mula sa Quezon City

Mababasa ang ilan sa mga tula sa LILA: Mga Tula, 100 Pink Poems, at Luna Journal. Nagtapos siya ng kursong BA Communication Research sa
Polytechnic University of the Philippines.

.

.

Supernova
Nagtutunggali ang iba’t ibang diyos kung paano
gugunawin ang mundo – sa lindol o sa bulalakaw. Hindi
ito ang nais nating maganap sa muli nating pagtatagpo
bilang mga kaluluwang nangakong magkikita sa bawat buhay
at ipinapanganak na may kapangyarihang matupad ang hiling
pagkatapos ng isang gabing paglilingkis ng mga katawan.
Ang lagi mong sinasabi, sana makahanap tayo ng iba,
sa tuwing matutupok ang lihim na mundong nililikha natin.

Susulitin natin ang natitirang oras na magkasama habang
papalapit ang pagkagunaw. Kaiba sa nauna nating mga buhay,
ang paghahamon mo ng sugal upang patunayan ang husay
ng iyong angkan. Binabalasa mo pa lang ang baraha,
alam ko nang nakatakda na ang pagkapanalo ko habang
nararamdaman ang pagkatalo ng aking puso.

Nagtatalo ang isip at damdamin habang nag-aabang
sa susunod mong gagawin. Lahat tayo ay mamamatay,
ang sabi ko. Maghihiwalay tayong bitbit ang sumpa
ng ating kapangyarihan— Isa lang ang magiging masaya sa atin,
at pinanood kitang makahanap ng iba habang winawasak ako
ng ating mga alaala.
Kung Paano ko Isusulat ang Kalungkutan
Dumalaw ang lungkot kagabi. Kumatok 
sa pinto at inalok ang kanyang sarili,
sinamantala ang kahinaan ng aking pag-iisa
kaya wala akong nagawa kundi patuluyin
at hayaang tumabi sa kama. Pumaimbabaw
upang iparamdam ang bigat, sumuot 
sa balat nang yumakap siya, at lusawin 
ng kanyang mga halik ang alinlangan. Hinayaan 
siyang sumisid sa hiwaga ng pagkatao
at ibaon doon ang kanyang mga ligalig.
Sabay kaming nagliyab ngunit pinanood ko 
ang tuluyan niyang pagkatupok

at maging alaalang

pupuno sa lahat ng naiwang puwang,
kayakap sa tuwing malulumbay
hanggang makatulog.

Hindi na ito pakakawalan
dahil sa wakas ay hindi na nag-iisa.


03 Hunyo 2023
Pagligo
Pag-uwi ng bahay,
huhubarin ko ang mga salitang
bumabalot sa aking katawan.
Magpapatugtog ng mga kantang rock
upang mawala sa alaala
ang mga pagsipol at kaba.
Hihiluring maigi
ang malalaswang titig
at babanlawan ito ng tubig.
Ibababad sa shampoo at conditioner
ang buhok na nilanghap
ng kung sino-sino.
Kukuskusing maigi ng sabon
ang katawan at mukhang
nilawayan ng pagnanasa.

Hanggang sa wala nang matira
kundi ang tunay na sarili.

Nailathala noong 2022 sa Luna Journal PH