
Terence Talagon
Batch Lúsong/2025
Mula sa San Lorenzo, Guimaras
Si Terence Talagon ay mula sa San Lorenzo, Guimaras. Nagtapos siya ng mechanical engineering sa University of the Philippines Diliman. Sa kasalukuyan, siya’y isang Applications Engineer. Lumabas ang kanyang mga akda sa poetrynook, sa University of Liverpool website, Kasingkasing Press Vulnerable, UP Likhaan Life UPDates, TLDTD, at sa Diliman Review.
Pagtatanim ng Gulay Tuwing Tag-init
Ipupunla ko ang buto sa matabang lupa sa paso.
Sa pagtubo, ililipat ang munting buhay sa talamnan,
bubungkalin ang lupa sa kanyang paligid,
at didiligan araw-araw, aalisin ang mga dahong may sakit,
bubunutin ang mga damo,
didiligan araw-araw, mula sa balon sa ubús,
isa sa umaga at isa sa hapon,
babakuran laban sa mga baka at kambing,
didiligan araw-araw.
Sa paglaki,
tatanggapin ko ang kanyang pag-ibig
kapalit ng aking paghihirap,
sa pagdidilig sa araw-araw,
at pagsapit ng ulan
akin siyang bibitiwan,
hahayaan, nang amat-amat, nang marahan,
habang ang puso’y nananabik
sa kanyang pagbabalik.
Ako Ang Namingwit
salin mula sa Hiligaynon
Ako ang namingwit sa pampang ng pagkabata,
Gin-hukay ang mga alaala sa isipan sa paghahanap
ng isang tula ngunit ang mga salita’y
hindi nagakagat.
Naghintay.
Sa matandang pampang:
matagal ang aking paghihintay, matagal magkagat
ang hinihintay na sapat. Aking ginpalpal
ang bingwit sa lupa.
Natulog.
Sa paggising, aking tiningnan
ang gintawtaw at hanggang langit ang aking ngiti
nang nakahuli ng malaking haloan.
Gin-asal ito ng aking tiyo, sinugba sa mainit na baga
at sa panyaga: ginsawsaw sa patis at suha
sa platito sa papag sa loob ng bahay ni lola
kung saan kami tanan nagaupo,
Ginanamnam ang lupa at tubig na naghalo
para maging laman,
nagkain hasta ang tiyan umumbok at kalag
nabusog.
