Palihang LIRA

Ang Taunang Palihang Pampanulaan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay dinisenyo ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario bilang pagsasanay-panulat na nakasandig sa kasaysayang pampanulaan ng Filipinas. 

Binubuo ito ng mga kursong tumatalakay sa tradisyonal na pagtulang si Almario mismo ang suminop mula sa kaniyang pananaliksik at tinipon sa marami niyang aklat ng kasaysayang pampanitikan.

Sa Palihang LIRA, sumasabak ang mga kalahok o fellows sa masusing pag-aaral ng tugma at sukat.  Binibigyan din ang lahat ng lingguhang takdang-aralin na may kinalaman sa mga kursong tinalakay. Ginaganap ang palihan taon-taon mula Hunyo hanggang Disyembre, kaya’t kilala ito bilang pinakamahabnang tumatakbong palihan na nakatuon lamang sa pagtula at panulaang Filipino.

Ilan sa mga nagtapos ay naiimbitahang maging kasapi ng LIRA, matapos ng masinsinang deliberasyon ng samahan sa huling bahagi ng programa.  Ang batayan ng kasapian ay iinog sa: pag-unlad sa loob ng palihan, kahusayan ng mga akdang iniharap sa pagtatapos, at potensyal sa paglilingkod bilang isang makata-boluntaryo.

Direktor ng Palihang LIRA: Abner Dormiendo (2021 – Kasalukuyan), Giancarlo Abrahan (2020), Louie Jon Sanchez (2017-2019), Michael M. Coroza (2010-2016)

Katuwang na Direktor ng Palihang LIRA: Tala Tanigue (Kasalukuyan), Ivie Urdas (2021-2022), Abner Dormiendo (2020), Giancarlo Abrahan (2017-2019) Louie Jon Sanchez (2010-2016)

Dating website na eksklusibo para sa Palihang LIRA: https://lirapoetryclinic.wordpress.com/