Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar.
Ilan sa mga layunin ng LIRA ang palusugin at pagyamanin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pag-aaral ng tradisyonal at modernistang tula, magbigay ng mga palihan at panayam, mag-organisa ng iba’t ibang okasyong pampanitikan at tumulong sa pagpapalimbag ng mga koleksiyon ng tula ng mga kabataang makata.
Taon-taon, nagdadaos ang LIRA ng palihan at klinikang pampanulaan mula Hunyo hanggang Disyembre. Nagsisilbing tagapanayam at umuupo sa workshop ang mga kilala at premyadong makata at manunulat.
